Aklan – Sa napipintong muling pagbubukas ng isla ng Boracay sa October 26, kumpyansa ang Department of Tourism (DOT) na makakamit ang 7.4-M tourist arrivals bago matapos ang taon.
Ayon kay Undersecretary for Tourism Development Benito Bengzon sa mga susunod na buwan, maglalabas ng worldwide advertisement campaign ang DOT para palakasin pa ang pagpo- promote sa mga tourist destination ng Pilipinas, kung saan kabilang na dito ang muling pagbubukas ng Boracay.
Sinabi ni Bengzon na sisiguraduhin nila na sa oras na buksang muli ang isla ng Boracay ay mas maayos na ito at hindi na muling maaabuso.
Sa datos ng DOT sa unang 6 na buwan pa lamang nakapagtala na ang ahensya ng 3.7-M tourist arrivals kung kaya at positibo silang makakamit ang 7.4-M na tourist arrivals bago matapos ang 2018.
Noong isang taon pumalo sa 6.6-M ang tourist arrivals sa Boracay.
Umaasa din ang DOT na makakapaghikayat pa ng mga bagong turista sa oras na muling buksan ang pamosong Boracay Island.