Target ni Bohol Governor Arthur Yap na buksan ang sikat na diving spot na Panglao Island sa mga turista sa Nobyembre.
Tinatayang nasa 200,000 tourism workers ang apektado ng COVID-19 crisis sa lalawigan.
Ayon kay Yap, ipaprayoridad ng Local Government Unit (LGU) ang “controlled” groups lalo na at may alinlangan pa rin ang mga residente na buksan ang domestic tourism sa mga turista sa gitna ng pandemya.
“Ang gagawin namin to make sure na safe rin ang Bohol, uunahin namin ‘yong municipality where Panglao International Airport is. So, that is ‘yong municipality ng Panglao. Doon tayo mag-uumpisa,” sabi ni Yap.
Pero punto ni Yap na ang planong pagbubukas ay para lamang sa events tulad ng weddings, family reunions, trainings, team-building activities o anumang aktibidad na nasa ilalim ng meetings, incentives, conferences at exhibits (MICE) events.
Nananatiling bawat ang ‘Do It Yourself’ o DIY travels sa new normal.
Ang mga bisita ay kailangang magparehistro sa kanilang official website at travel packages, kabilang ang itineraries na pre-arranged ng tour operators.
Nire-require rin sa Bohol ang negative result na isinasagawa sa pamamagitan ng Reverse Transcription – Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test 48 oras bago bumiyahe, pero isang confirmatory test ay kailangan pa rin sa mga turistang mananatili sa isla ng higit limang araw.
Ang Bohol ay mayroong 1.4 million na residente ay mayroong 80 active cases ng COVID-19.