
Ipinahinto ng Korte Suprema ang implementasyon ng Bangsamoro Parliamentary Redistricting Act of 2025 o BAA No. 77.
Ito ay matapos maglabas ng temporary restraining order ang SC laban sa batas na pinirmahan lamang noong August 28 ni Interim Chief Minister Abdulraof Macacua.
Sa ilalim ng BAA 77, nire-reorganisa ang parliamentary districts ng BARMM para ilipat ang pitong puwesto na dating nakalaan sa Sulu.
Batay na rin ito sa desisyon ng SC noong 2024 kung saan idineklara na hindi bahagi ng BARMM ang lalawigan ng Sulu.
Dalawang petisyon ang inihain laban sa BAA 77 kung saan isa ay laban sa umano’y paglabag sa Voter’s Registration Act, at isa na nagsasabing unconstitutional ito dahil nakakaapekto sa pagiging malaya at tapat ng halalan.
Epektibo agad ang TRO habang hinihintay ang pinal na resolusyon ng mga kaso.
Samantala, inatasan ng Korte Suprema ang Commission on Elections at Bangsamoro Transition Authority na kapwa respondents na magsumite ng kanilang komento sa loob ng limang araw mula nang matanggap ang kopya.
Samantala, sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na agad nilang tatalakayin bukas sa En Banc ang inilabas na TRO.
Pag-aaralan aniya rito kung ano ang magiging epekto nito sa nakatakdang halalan sa October 13, at kung kailangan bang itigil muna ang paghahanda ng Comelec.









