
Nanawagan si House Committee on Human Rights Chairman at Manila Representative Bienvenido Abante kay Navotas Representative Toby Tiangco na itigil na ang pagpapakalat ng intriga sa House of Representatives.
Apela ito ni Abante kay Tiangco, makaraang linawin ng Malakanyang na hindi nangyari ang kwento ni Tiangco na pinagsabihan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. si dating Speaker Martin Romualdez sa isang pulong o pag-uusap nila sa loob ng Palasyo.
Ayon kay Abante, paulit-ulit at parang sirang plaka si tiangco dahil ilang beses niya itong binabanggit na nagdudulot ng pagkakahati-hati at kalituhan dahil hindi naman suportado ng ebidensya at pormal na reklamo.
Palaisipan din kay Abante kung paghahanap ba ng katotohanan o pulitikang paninira ang tunay na motibo ni Tiangco sa pilit na pagbuhay sa isyu.
Paalala ni Abante kay Tiangco, ang Kongreso ay para sa trabaho at hindi para sa intriga.










