Ipinatawag ngayong tanghali ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang sina Presumptive Speaker Marinduque Representative Lord Allan Velasco at House Speaker Alan Peter Cayetano.
Ito ang inihayag sa interview ng RMN Manila ni Laguna 1st District Representative at Deputy Speaker Dan Fernandez na kinumpirma naman ni Presidential Spokesman Harry Roque.
Kasunod na rin ito ng nangyaring sesyon kahapon ng 186 na kongresista sa labas ng Batasang Pambansa upang palitan ang liderato ni Cayetano sa Kamara.
Ayon kay Fernandez, kakausapin ng Pangulo sina Cayetano at Velasco upang magkaroon ng ceasefire sa kanilang dalawa para maipasa na rin sa tamang oras ang 2021 national budget.
Sinabi ni Fernandez na anumang ang mapagkasunduan sa nasabing pagpupulong ay kanila itong susundin.
Kahapon sa botong 186, iniluklok ng mga mambabatas si Velasco bilang bagong House Speaker at pinababa sa pwesto si Cayetano.
Giit ni Cayetano, isang paglapastangan hindi lamang sa House Rules kundi maging sa Saligang Batas ang ginawang sesyon ng kampo ni Velasco dahil sa labas ito ng batasan ginawa.
Pero sinabi sa interview ng RMN Manila ni Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo na “numbers game” ang umiiral sa Kamara kaya kung may nangyaring korum ay wala nang magagawa rito si Cayetano.
Una nang binigyan-diin ni Velasco na valid ang pagkakaluklok sa kanya bilang House Speaker kaya nakiusap ito kay Cayetano na tahimik at mapayapang bumaba na sa pwesto upang masimulan na ang deliberasyon ng proposed 2021 national budget.