Manila, Philippines – Hinamon ni Magdalo PL Rep. Gary Alejano ang gobyerno na isapubliko ang mga kasunduan ng Pilipinas sa China tungkol sa West Philippine Sea.
Kasabay nito ay nagpahayag ng pagkadismaya si Alejano kay Foreign Affairs Sec. Allan Peter Cayetano dahil binabalewala ang paglapit ng mga Chinese vessels sa Pag-asa Island.
Ayon kay Alejano, nakapanlulumo ang pagbalewala ng DFA dahil mabigat ang kahulugan ng pagpasok ng mga sasakyang pandagat ng China na hindi dapat maliitin o isantabi ng gobyerno.
Sinopla din ni Alejano ang sinabi din ni Cayetano na hindi maaalarma ang China kapag ang Navy Ships ng Pilipinas ang lumapit sa Chinese vessels sa may Pag-asa island.
Paalala ng kongresista, kahit kailan ay hindi lumapit ang barko ng bansa sa barko ng China at marami ng kaso ng pang-aagaw ng teritoryo ang ginagawa ng mga ito.
Hinamon din nito ang DFA na maghain ng diplomatic protest dahil matagal-tagal ng hindi umaaksyon ang bansa sa kabila ng intrusion ng China sa ilalim ng Duterte administration.