Rep. Barzaga, handang harapin ang kasong isasampa ni House Deputy Speaker Puno at NUP

Hindi ikinatinag ni Cavite 4th District Representative Francisco “Kiko” Barzaga ang plano ni House Deputy Speaker at National Unity Party (NUP) Chairman Ronaldo “Ronnie” Puno na isampa siya ng kaso.

Ayon kay Barzaga, ang pagsasampa ng kaso ay pagkakataon upang mapatunayan sa korte ang kanyang alegasyon na si Puno at ilang kasapi ng NUP ay binayaran umano ng negosyanteng si Enrique Razon upang suportahan si dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez noong 2025 elections.

Iginiit ni Puno na ang alegasyon ni Barzaga ay walang basehan, malisyoso, iresponsable, at hindi suportado ng ebidensya, lalo’t wala namang kalaban si Romualdez sa unang distrito ng Leyte noong nabanggit na eleksyon.

Ngunit tiniyak ni Barzaga na maglalabas siya ng mga ebidensya ng bribery case laban sa NUP sa pamamagitan ng kanyang gagawing privilege speech sa plenaryo pagbalik niya sa Pebrero, matapos ang 60-araw na suspensyon.

Kaugnay nito, nag-post si Barzaga sa kanyang Facebook account ng ilang larawan kung saan makikita si Razon, ilang politiko, at mga opisyal ng gobyerno sa isang pagtitipon.

Facebook Comments