
Isinapubliko na rin ni Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga ang kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN.
Sa naka-post na SALN sa Facebook Page ni Barzaga ay nakasaad na mayroon syang networth na P5.375 million.
Binubuo ito ng cash donation na mahigit P3-million, at naipong kita mula 2019 hanggang 2024 na P2.35 million.
Wala namang idineklarang liabilities o mga utang si Barzaga.
Ayon kay Barzaga, hindi pa kasama sa SALN na isinumite niya nitong July 2025 ang ipinamanang ari-arian ng pumanaw na ama na si dating Congressman Pidi Barzaga na hindi pa naililipat sa pangalan nya.
Kinabibilangan ito ng mga sasakyan, property sa Dasmariñas, Cavite at salapi na umaabot sa P35 Million.
Bukod kay Barzaga ay nauna ng nagsapubliko ng kanilang mga SALN sina Representatives Chel Diokno, Perci Cendaña, Dadah Ismula, Arlene “Kaka” Bag-ao, Antonio Tinio, Sarah Elago at Renee Co.









