Rep. Barzaga, nag-sorry na umano kay Rep. Garin

Ayon kay House Deputy Speaker Janette Garin, paulit-ulit na nag-sorry sa kanya si Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga.

Ito ay makaraang itutok ng malapitan ni Barzaga ang kanyang cellphone sa mukha ni Garin habang sila ay nasa budget deliberations sa plenaryo kahapon.

Sinaway ni Congresswoman Garin si Barzaga sa pamamagitan ng paghawi o pagtapik sa cellphone nito at pagsasabing “huwag ganyan boss.”

Ayon kay Garin, hindi naman siya galit kay Barzaga pero wala lang talaga siyang oras na ito ay kausapin dahil abala sila sa deliberasyon para sa 2026 Proposed National Budget na kadalasan ay inaabot ng hatinggabi o madaling-araw.

Binanggit ni Garin na gusto kasi ni Barzaga na palagi syang babatiin at kakausapin ng matagal.

Dagdag pa ni Garin na palaging nagsasalita ng “meow” “meow” si Barzaga at medyo maingay at minsan ay nagbibitiw ng hindi nararapat na mga salita kahit may session o may nagsasalita sa plenaryo.

Bunsod nito ay binigyang-diin ni Garin na inaasahan sa mga miyembro ng Kamara na pairalin ang tamang decorum o asal kapag sila ay nasa plenaryo.

Facebook Comments