Tuesday, February 3, 2026

Rep. Barzaga, naglahad ng mga panukalang batas na tututukan sa kanyang pagbabalik sa Kamara

“Congress-meow is back,” ayon kay Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga, matapos ang pagtatapos ng kanyang 60-araw na suspensyon na nagsimula noong December 1, 2025.

Sa kanyang return speech na ipinost sa kanyang opisyal na Facebook page, tiniyak ni Barzaga ang pagsusulong ng mga mahahalagang panukalang batas na aniya’y direktang pakikinabangan ng mamamayang Pilipino.

Kabilang sa mga panukalang kanyang tututukan ang VAT Abolition Bill, Absolute Divorce Bill, Travel Disclosure Bill na mag-oobliga sa mga opisyal ng gobyerno na isapubliko ang detalye ng kanilang mga biyahe sa ibang bansa, gayundin ang panukalang adjustments sa national minimum wage at provincial rates.

Kinumpirma naman ni House Committee on Ethics and Privileges Chair at 4Ps Party-list Rep. JC Abalos na pormal nang natapos ang suspensyon ni Barzaga.

Gayunman, ngayong araw ay muling magsasagawa ng pagdinig ang komite alinsunod sa inaprubahang mosyon sa plenaryo kaugnay ng privilege speech ni Manila Rep. Rolando Valeriano, na humihiling na muling patawan ng suspensyon si Barzaga dahil sa umano’y paglabag sa mga kondisyon ng Ethics Committee.

Facebook Comments