Kasabay ng malakas na pagbuhos ng ulan.
Inihatid na sa huling hantungan ang labi ni Ako Bicol Representative Rodel Batocabe sa Daraga Public Cemetery.
Bago ilibing ang pinaslang na kongresista, ini-ikot muna ang mga labi nito sa ilang barangay sa Daraga, Albay kung saan isinilang ang mambabatas.
Kahit inuulan ay matiyaga namang nag-abang ang mga residente para magbigay ng respeto at magpaalam sa kongresista.
Nakasuot naman ang mga supporters ng t-shirt na may nakalagay na ‘Justice for Cong. Batocabe’ kalakip ang larawan nito.
Pagkatapos nito ay nagsagawa ng misa sa Daraga Church kung saan kapansin-pansin na dinagsa ng maraming senior citizens ang libing ng kongresista.
Emosyonal ang naging pamamaalam ng pamilya Batocabe sa kanilang padre de pamilya lalo pa at ito ang unang taon na sasalubungin nila ang Bagong Taon na wala na si Congressman Batocabe.
Si Batocabe ay nagsilbing kongresista ng Ako Bicol partylist mula noong 2010 at nasa huling termino na ngayong 2019 at tatakbo sana itong alkalde ng Daraga, Albay.
Pinag-iisipan pa ng pamilya Batocabe kung sino sa mga kapamilya ang hahalili sa namayapang kongresista sa pagtakbo sa pagka-alkalde sa kanilang lugar.