Rep. Bebot Alvarez, binatikos at pinakakasuhan ng mga lider ng Kamara

Nagkakaisang kinondena ng mga lider ng House of Representatives ang paghikayat ni dating House Speaker at ngayon ay Davao del Norte Representative Pantaleon Alvarez sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na bumawi ng suporta kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Para kay House Majority Leader at Zamboanga Representative Jose “Mannix” Dalipe ang nabanggit na pahayag ni Alvarez ay hindi lang nagsusulong ng pag-aaklas sa gobyerno kundi nagpapahina sa katatagan ng pamahalaan at rule of law.

Diin naman ni Senior Deputy Speaker at Pampanga Representative Aurelio “Dong” Gonzales Jr., hindi dapat palampasin ang mga pahayag ni Alvarez na taliwas sa umiiral na demokratikong proseso sa bansa na syang nagluklok kay Pangulong Marcos sa puwesto.


Diin naman ni Deputy Speaker at Quezon Representative David “Jay-jay” Suarez, hindi katanggap-tanggap ang paghimok ni Alvarez sa militar na umaksyon laban sa pangulo dahil tila ginigiba nito ang sandigan ng ating lipunan.

Bunsod nito ay nanawagan ang mga lider ng Kamara ng ligal na hakbang o agarang pagsasampa ng kaukulang kaso laban kay Alvarez dahil sa tangka nitong pagdestabilisa o pagpapabagsak sa gobyerno.

Bukod sa House Leaders ay una ring iginiit ni Camiguin Representative Jurdin Jesus “JJ” Romualdo sa Department of Justice (DOJ) na sampahan ng kasong “sedition” si Alvarez.

Facebook Comments