Nananawagan si La Union Representative Paolo Ortega kay dating House Speaker at ngayon ay Davao del Norte Rep. Pantaleon Bebot Alvarez na tutukan ang trabaho nito bilang mambabatas sa halip na ubusin ang kanyang oras sa pagpapabagsak sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Ortega, nami-miss na nila ang presensya ni Alvarez sa mga sesyon sa plenaryo at sa committee hearings kung saan karamihan sa mga mambabatas ay aktibong nakikibahagi.
Sabi ni Ortega, ang mga hinaing ni Alvarez ay maaari namang talakayin nang mabuti sa Kamara para sa interes ng buong bansa.
Ipinunto ni Ortega na may karapatan si Alvarez sa malayang pamamahayag basta ito ay walang nalalabag na batas.
Ipinaalala rin ni Ortega na may tungkulin si Alvarez na kailangang tuparin bilang miyembro ng Kamara kasama rito ang dapat niyang partisipasyon sa mga session at committee deliberations.