Rep. Bodjie Dy, nakakuha ng 253 votes bilang bagong House speaker

Umaabot sa 253 na mga kongresista ang bomoto ng yes o pabor kay bagong House speaker Isabela 6th District Rep. Faustino Bodjie Dy. Walang nagbigay ng negative o botong kontra habang 28 ang nag-abstain at apat ang hindi bomoto.

Kasama ang kanyang misis ay nanumpa na si Dy bilang bagong lider ng Kamara kapalit ng nagbitiw na si Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin Romualdez.

Sa kanyang talumpati ay nagpasalamat si Dy sa mga kasamahang mambabatas at inamin na sya ay may pangamba sa hamon na hatid ng kanyang bagong responsibilidad.

Inamin din ni Dy na meron silang pagkukulang kaya humihingi sya ng pagkakataon sa taumbayan na ituwid ang mga maling kalakaran at linisin ang kanilang hanay.

Tiniyak ni Dy na sa ilalim ng kanyang pamumuno ay hindi nya ipagtatanggol ang mga guilty, hindi poprotektahan ang mga korakot at kaisa din sya sa pagtataguyod ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos na walang tanggapan at kaalyado o sinuman ang dapat makalusot sa pananagutan.

Nangako rin si Dy na hindi niya hahayaan ang sinumang miyembro ng 20th Congress na gamitin ang Kongreso para sa kanilang personal na interes.

Samantala, muli namang inihalal si 4Ps Party-list Representative Marcelino Libanan bilang House Minority Leader.

Facebook Comments