Mariing kinondena ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative France Castro ang pahayag ni National Security Adviser Eduardo Año kaugnay sa desisyon ng Korte na siya at si Ka Satur Ocampo ay guilty sa kasong child abuse.
Para kay Castro ang sinabi ni Año na “no one is above the law” ay bahagi lang ng patuloy nitong pagsasagawa ng red tagging at panggigipit sa mga progresibong indibidwal at organisasyon.
Muling iginiit ni Castro na imbento lang ang kaso laban sa kanila dahil ang totoo ay hindi naman nila inabuso ang mga kabataang Lumad kundi tinulungan pa nila ang mga ito laban sa harassment ng militar.
Nangangamba si Castro sa maaaring implikasyon ng desisyon ng korte na maaaring maghatid ng takot sa mga nais tumulong at kumalinga sa mga kabataan na ginigipit ng militar at ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Binigyang diin naman ni Castro na ang pasya ng korte ay hindi makapipigil sa kanyang plano na kumandidato sa pagkasenador sa 2025 elections.