Ikinadismaya ni House Deputy Minority leader and ACT Teacher’s Partylist Rep. France Castro na parang siya pa ngayon ang may kasalanan gayong buhay niya ang pinagbantaan at muling ni-redtag.
Reaksyon ito ni Castro matapos palagan ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte ang paghahain niya ng reklamong grave threat at paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Paliwanag ni Castro, layunin ng kanyang hakbang na maproteksyunan ang kanyang sarili, pamilya at mga kasamahan bukod sa hangad din niyang matuldukan ang death threats at red-tagging na ginagawa ni dating Pangulong Duterte.
Pinaalala rin ni Castro na dati ay palaging sinasabi ng mga Duterte na kapag may ginawa silang masama ay kasuhan sila kaya bakit ngayon na kinasuhan sila ay inaatake naman nila ang biktima.
Giit pa ni Castro kay Congressman Pulong, huwag gamiting lisensya ang onion skin doctrine para pagbantaan ang buhay ninuman dahil magkaiba ang kritisismo sa death threats.