Humingi ng paumanhin si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative France Castro sa lokal na pamahalaan ng Taguig.
Kasabay nito ay nilinaw ni Castro na hindi sa Taguig, kundi sa Makati nangyari ang nasaksihan niyang pamamaril ng isang pulis.
Magugunitang inilahad ni Castro sa pagdinig ng House Quad Committee na isang gabi kamakailan habang binabagtas nila ang Makati Avenue ay may dumaan sa harap ng kanilang sasakyan na naka-motorbike.
Sabi ni Castro, nagulat at labis silang natakot nang bumaba mula sa patrol car ang dalawang pulis at hinabol ang naka-motorbike kung saan isa sa mga ito ang nagpaputok ng baril.
Giit ni Castro, hindi tama ang ginawang aksyon ng mga pulis dahil may mga dumadaang sasakyan noon at maraming mga sibilyan.