Pumalag si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative France Castro sa ethics complaint na inihain laban sa kanya ng ilang miyembro ng Talaingod Tribe.
Ang batayan ng kanilang reklamo ay ang kaso ni Castro na paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination.
Guilty ang hatol kay Castro sa naturang mga kaso pero mayroon pa syang nakabinbin na apela sa korte.
Diin ni Castro, kilala nila ang nasa likod nito na walang iba kundi ang mga indibidwal na talamak sa paglabag sa karapatang pantao at pagnanakaw sa pera ng bayan.
Giit ni Castro, ang nabanggit na ethics complaint ay harassment sa kanya, walang basehan at paraan lang ng paghihiganti at pagtatakip sa kanilang kasamaan laban sa mga mamamayan, gaya ng kontrobersyal na paggastos sa confidential funds.