Rep. Cayetano, ikinatuwa ang pagluwag ng Saudi Arabia sa “Kafala System”; laban ng mga OFW, hindi pa tapos!

Ikinatuwa ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang pagluluwag ng Saudi Arabia sa kanilang “Kafala System” dahil libo-libong mga Overseas Filipino Workers (OFW) ang makikinabang dito.

Nabatid na ang “Kafala” system na umiiral sa Middle East ang ugat ng maraming kaso ng pang-aabuso at pagmamaltrato dahil tila pag-aari ng mga employer ang mga migranteng manggagawa.

Sa ilalim nito, mayroong absolute control ang mga employer sa mga OFW kung saan hindi basta-basta makaaalis ng bansa o makakalipat ng trabaho ang mga empleyado kahit tapos na ang kanilang kontrata nang walang pahintulot ng kanilang mga amo.


Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Cayetano na ang pagluluwag ay malaking hakbang para sa pagsusulong ng patas na karapatan at proteksyon ng mga OFW.

Gayunman, hindi pa tapos aniya ang laban at kailangan itong bantayan nang mabuti para masiguro ang kaligtasan ng mga OFW lalo ang mga “household service workers” na karaniwang nagiging biktima ng pang-aabuso.

Bunsod nito, nanawagan si Cayetano sa Senado sa agarang pagsasabatas ng Department of Overseas Filipinos and Foreign Employment para matugunan ng husto ang pangangailangan ng mga OFW.

Sa pagtutulungan ng Bahrain at Pilipinas noong si Cayetano pa ang kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA), naisulong ang pantay ng proteksyon laban sa pang-aabuso at mabilis na naaprubahan ang global compact for migration sa United Nations noong 2018.

Ito ang kauna-unahang UN global agreement na tutugon sa iba’t ibang pangangailangan at karapatan ng mga migrante sa buong mundo.

Facebook Comments