Rep. Co, ipapalagay na ng DOJ sa Interpol Blue Notice; mga kongresistang irereklamo kaugnay sa flood control anomaly, asahang madaragdagan pa

“He is in France”.

Ito ang sinabi ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla nang tanungin kung nasaan sa kasalukuyan si Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.

Isa si Co sa idinadawit sa mga maanomalya at palpak na flood control projects na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso.

Hihilingin na rin daw ng DOJ sa Interpol na ilagay si Co sa Blue Notice upang mabantayan habang nasa ibang bansa.

Ngayong Biyernes, kinumpirma ng DOJ na 21 indibidwal na kinabibilangan ng mga senador, kongresista, dating Department of Public Works and Highways (DPWH) officials at contractor ang inirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) na kasuhan.

Pero wala rito si dating House Speaker Martin Romualdez na isa rin sa nabanggit kahapon ng tumestigo sa Senate Blue Ribbon Committee na si Orly Goteza.

Paliwanag ni Remulla, hindi sumipot si Goteza ngayong araw sa DOJ kaya hindi sila nakapag-usap tungkol sa kaniyang naging salaysay kahapon.

Hihilingin naman ni Remulla sa Senado na payagan saglit na umuwi ang contractor na si Curlee Discaya para kunin ang mga dokumentong kailangan para sa ebidensiya.

Sa mga susunod na araw, asahan daw na marami pang mga pangalan na lulutang na dawit sa isyu at inaasahang sasampahan din ng mga kaukulang kaso.

Facebook Comments