Nagbitiw si Rep. Elizaldy Co, bilang kinatawan ng Ako Bicol Party-list sa House of Representatives kasabay ng pagtatapos din ngayong araw ng ultimatum na ibinigay sa kanya ni House Speaker Faustino Bodjie Dy para bumalik siya sa Pilipinas.

Sa liham kay Speaker Dy at kay Committee on Ethics Chairman Rep. Jonathan Clement Abalos, ay sinabi ni Co na ang kaniyang pagbibitiw bilang miyembro ng Kamara ay nag-ugat sa totoo at matinding banta sa buhay niya at kaniyang pamilya at pagkakait sa kaniyang karapatan para due process of law.

Sabi ni Co, mabigat sa kaniyang puso at hindi madaling desisyon ang pagbibitiw pero tinimbang niyang mabuti ang  kaniyang hakbang para sa ikabubuti ng kaniyang pamilya at ng mamamayan na patuloy niyang pinaglilingkuran.

Muli ay iginiit ni Co na hindi totoo ang mga akusasyon ni Navotas Rep. Toby Tiangco na siya ang mastermind at nagkunsinti sa mga insertions sa 2025 national budget na ginawa sa small committee hanggang sa bicameral committee.

Paliwanag ni Co, lahat ng items sa 2025 General Appropriations Act (GAA) ay inaprubahan sa plenary sessions at sumunod sa proseso ng Senado at Kamara na sinuri ng Office of the President at pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.

Binanggit din ni Co na siya ay komukonsulta sa mga doktor sa  ibang bansa simula pa noong kalagitnaan ng 2024 at hindi naman nya kailangang magsumite ng medical records sa Kamara dahil hindi naman ito requirementssa pag-apply ng travel clearance.

Sabi ni Co, kahit siya ay nasa abroad ay patuloy siyang nagsiserbisyo sa publiko at kaniyang ding itinanggi ang pagbubuyangyang ng maluhong pamumuhay ng kanyang pamilya sa mata ng publiko bukod sa wala rin aniyang  nabago sa lifestyle nila bago pa siya maging public official hanggang ngayon.

Pinabulaanan din ni Co na nagkaroon siya ng personal na pakinabang sa mga infrastructure projects na ini-award sa Sunwest, Inc.

Facebook Comments