
Iginiit ni House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila De Lima na hindi dapat ikumpara ni Senate President Tito Sotto III ang sitwasyon nila noon ni dating Senator Antonio Trillanes IV sa sitwasyon ngayon ni Senator Ronald Bato Dela Rosa na hindi na pumapasok sa Senado.
Diin ni De Lima, hindi boluntaryo ang hindi nila pagdalo ni Trillanes noon sa mga session ng Senado.
Paalala ni De Lima, nakakulong siya noon dahil sa mga imbentong kaso laban sa kanya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte habang si Dela Rosa naman ay umiiwas sa posibleng pag-aresto sa kanya ng International Criminal Court (ICC).
Pero ayon kay De Lima, kahit nakakulong siya noon at kahit mahirap dahil wala siyang anumang gadget, ay nagtatrabaho siya bilang Senador at sa katunayan ilan sa kaniyang mga inihaing panukala ang naging batas.
Sabi ni De Lima, naging produktibo siya noon at malinaw rin ang pagnanais niya na dumalo sa mga Plenary sessions at committee hearings kahit nakakulong kaya hindi tama na gawing dahilan ang sitwasyon niya noon sa hindi pagdisiplina sa delinkwenteng si Senador Dela Rosa.










