
Binigyang-diin ni dating House Speaker Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez na kahit kailan ay hindi sya nagnakaw ng pondo ng bayan at hindi niya kailangan ang perang galing sa masama.
Ayon kay Romualdez, hindi totoo ang isiniwalat sa Senate Blue Ribbon Committee hearing na may ilang maleta na dinala sa kaniyang bahay sa McKinley simula noong December 2024 na umano’y naglalaman ng kickback mula sa flood control projects.
Katwiran ni Romualdez, imposible yun dahil ang tinutukoy na bahay nya ay sumasailalim sa renovation simula January 2024 at walang nakatira kundi mga construction workers lamang.
Giit ni Romualdez, malinaw na ang testimonya ng testigo ni Sen. Rodante Marcoleta ay imbento lamang, pilit na pilit at desperadong pagtatangka na isangkot sya sa isyu ng maanumalyang flood control projects.
Sabi ni Romualdez, ang pagdungis sa kanyang pangalan ay hindi niya palalampasin dahil hindi naman sya nakinabang mula sa anumang proyektong pang-imprastraktura at wala syang binigyan ng awtorisasyon para ito ay gawin.
Bukas naman si Romualdez sa patas, transparent, at makatarungang imbestigasyon para maitama ang mga maling paratang at mga kasinungalingan.









