Tuloy na ang pagtatayo ng isang housing project sa Tondo dahil sa pagsisikap ni Manila Representative Manny Lopez na makakuha ng pondo para dito.
Si Lopez ang nanguna sa groundbreaking ceremony ngayong araw na ito Pebrero 25, 10 a.m ng Vitas High Rise Residential Building sa Mel Lopez Blvd. sa Tondo kasama ang ilang opisyal ng National Housing Authority.
Ang Vitas High Rise Residential Building ay itatayo sa 3.5 ektaryang lupa. Ang first phase ay may laking 9,183.56 sq. m. na pagtatayuan ng tatlong 19-storey housing building na may 770 residential units.
Ayon kay Lopez, kapag naitayo na ang Vitas High Rise Residential Building, ito ay isa sa magiging pamana ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga Pilipino.
“Eto na ang pabahay na ito dito mismo sa Tondo ang Katuparan ng Pangakong Lopez. Batid ninyo na hindi madali ang pondo mula sa pamahalaan, subalit sa ating matiyagang pagsusumamo, naisasabay natin ang proyektong pabahay sa gitna ng pandemya,” sabi ni Lopez.
Dagdag pa ng Manila Representative: “Ang proyektong ito ay makakapagbigay ng trabaho sa mga batang tondo na pwedeng maging kabahagi ng construction, sa mga kababaihan na pwedeng magtinda ng pagkain sa mga manggagawa.”
“Ito ay magandang simula sa ating pagsisikap na makabangon mula sa krisis ng ekonomiya na dulot ng pandemya dito mismo sa Tondo, na simbulo ng kahirapan sa kamaynilaan. Dito tayo mismo babangon bilang isang mamamayan na may maginhawang pamumuhay. Ito ang pangarap ng inyong lingkod para sa ating mga kababata sa Tondo,” wika ni Lopez.
Ayon kay Lopez, “Habang isinasagawa ang construction ng abot-kaya at on-site housing, inaasikaso na din natin ang cash rental subsidy ng ating mga kababayan para hindi sila mahirapan.”
Lubos na nagpapasalamat si Lopez kay Pangulong Duterte dahil sa walang sawang pagtulong sa kanyang mga proyektong naglalayon na maitaas ang antas ng buhay ng mga mahihirap.