Isinusulong ngayon ni Sagip Partylist Representative Rodante Marcoleta sa Kamara ang resolusyon upang paimbestigahan ang authenticity ng titulo ng ABS-CBN Broadcasting Corporation.
Batay aniya ito sa rekomendasyon ng technical working group, na binuo ng Committee on Legislative Franchises, matapos patayin ng Komite ang aplikasyon ng Kapamilya network para sa panibagong prangkisa.
Sa isinumiteng House Resolution No. 1058, nais busisiin ng kongresista ang titulo ng lupang kinatitirikan ng istasyon sa Mother Ignacia Street, Diliman, Quezon City.
Ayon kay Marcoleta, malabo at photocopy lamang daw ang naipakita ng kompanya nang talakayin ng komite ang usapin ng re-acquisition ng himpilan na naganap noong 1986.
Pero lumalabas na iba ang titulong ipinakita ng ABS-CBN, base sa umano’y nakuhang niyang certified electronic copy mula sa registry of deeds sa Quezon City.
Giit ng mambabatas, nasa 44,027 square meters ang lupang ginagamit ngayon ng giant network subalit 42 square meters lamang daw ang idineklara at nakasaad sa titulo ng lupa.
“There appears to be no plausible explanation why ABS-CBN’s TCT No. 125702, which allegedly houses its main headquarters in Mother Ignacia, Quezon City with an area of 44,027 square meters, would originate from TCT No. 110731, a parcel of land described to be located in Brgy. Nagkaisang Nayon with a minuscule area of only 42 square meters,” saad ng mambabatas.
Dapat raw bawiin ng gobyerno ang nasabing lupain, kung hindi mapapatunayan ng ABS-CBN na sila ang totoong may-ari nito.