
Mariing tinutulan nina nina Davao City Representatives Paolo Duterte, Omar Vincent Duterte, Isidro Ungab at PPP Partylist Rep. Harold James Duterte ang panibagong 60-araw na suspensyon ng Kamara kay Rep. Kiko Barzaga.
Sa liham kay House Speaker Faustino Bodjie Dy ay kanilang binigyang-diin na dapat mangibabaw ang pagboto ng libo-libong mamamayan ng ika-apat na distrito ng Cavite para kay Barzaga kumpara sa desisyon ng iilang miyembro ng House Committee on Ethics and Privileges na muli itong parusahan.
Binigyang-diin sa liham na hindi dapat gamitin ang “disciplinary powers” ng Kamara para patahimikin ang sinuman o baligtarin ang demokratikong pagpili ng taumbayan.
Iginiit sa liham na anumang hindi kaaya-ayang pahayag ni Barzaga ay hindi dapat parusahan sa isang demokratikong lipunan dahil ang right to free expression o kalayaan sa pagpapahayag ay protektado ng konstitusyon.
Ipinunto ni Rep. Duterte at mga kaalyado sa kamara na ang korte ang tamang lugar para dulog ang mga reklamo kay Barzaga at hindi sa Houses Ethics Committee na umaaktong tagapagtanggol ng mga tinatanggap nitong opinyon.










