
Pumalag si Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte sa paglutang sa pagdinig ng House Infrastructure Committee ng P51-billion na alokasyon sa Infrastructure Projects sa kanya Distrito sa mga taong 2020, 2021, at 2022.
Ang nabanggit na impormasyon ay inamin sa hearing ngayon ni Department of Public Works and Highways o DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral.
Pero tanong ni Rep. Duterte, anong klaseng hearing ito at anong mali sa House Infra Comm na ginagawang panakip-butas ang pamilya Duterte para takpan o ilihis ang isyu ng korapsyon sa flood control projects.
Diin ni Congressman Pulong, kahit kelan ay hindi sya nakialam sa mga budget hearing sa Kamara dahil may delicadeza sya at hindi kagaya ngayon na mismo magkakamag-anak ang naglalaro sa budget.
Bunsod nito ay hinahamon ni Rep. Duterte ang lahat ng mga kongresista na ilabas ang lahat ng kanilang budget at ipakita sa taumbayan ang mga proyekto sa kanilang mga distrito para lumabas kung sino ang totoong nagseserbisyo at sino ang nagnanakaw.









