Nakipag-ugnayan na si Davao City Representative Paolo “Pulong” Duterte sa quad committee na nagsasagawa ng imbestigasyon ukol sa war on drugs, extra judicial killings at Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Ayon kay Abang Lingkod Party-list Representative Joseph Stephen Paduano, nagpadala ng liham si Representative Duterte kay Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers na siyang overall chairman ng quad committee.
Ayon kay Paduano, ilang pahina ang liham ni Congressman Pulong kaya nagpasya si Barbers na mabigyan muna ng kopya ang mga miyembro ng quad committee at kanila itong tatalakayin sa susunod na pagdinig.
Sa nagdaang tatlong pagdinig ng quad committee ay tahasang ini-ugnay ang pangalan ni dating Pangulong Duterte at administrasyon nito sa operasyon ng ilegal na droga, pagpapatay sa 3 Chinese drug lords na nakakulong sa Davao Prison and Penal Farm noong 2016.
Lumutang din sa hearing ang kaugnayan sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators ng mga pangalan o personalidad na may kaugnayan o malapit kay dating Pangulong Duterte.