Rep. Paolo Duterte, tumangging humarap sa ICI

Tumanggi si Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte na pagbigyan ang imbitasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na humarap sa isang pagdinig o imbestigasyon ukol sa maanomalyang flood control projects.

Sa kanyang liham kay ICI Chairman Andres Reyes Jr., tahasang sinabi ni Congressman Pulong na nilikha ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang ICI upang gamitin sa political propaganda at upang sirain ang pangalan ni Vice President Sara Duterte at ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Diin pa ni Rep. Duterte, mas nararapat na agarang imbestigahan ng ICI si PBBM, ang kanyang pamilya, at si dating House Speaker Martin Romualdez, na tinukoy ni dating Congressman Elizaldy Co bilang mga nasa likod ng budget insertions at kickbacks mula sa pondong inilaan para sa mga proyekto ng gobyerno.

Malinaw kay Duterte na ang pangunahing layunin ng ICI ay isalba si Pangulong Marcos, ang unang pamilya, at si Romualdez.

Giit pa ni Duterte, walang kapangyarihan o hurisdiksyon ang ICI sa mga miyembro ng Kongreso, tulad niya, dahil ito ay bahagi ng Executive branch.

Ayon kay Duterte, kahit hindi siya humarap sa pagdinig, may access naman ang ICI sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno upang makuha ang mga kinakailangang impormasyon o dokumento tungkol sa flood control projects sa Davao.

Facebook Comments