
Malinaw para kay Bicol Saro Partylist Representative Terry Ridon na siya ang pinapatamaan ng aktres na si Pokwang dahil siya lang naman ang mambabatas na lantarang nagpahayag laban sa kapatid nitong si Carlo Subong, na nananakit ng isang nagtutulak ng kariton kasama ang batang anak sa Antipolo City.
Diin ni Ridon, ang kanyang inilathala sa Facebook ay impormasyong nakalabas na sa publiko, tulad ng pangalan ni Carlo Subong, screenshot ng viral video ng insidente, at show cause order ng LTO, kaya malabo ang banta ni Pokwang na maaari siyang maharap sa cyberlibel at cyberbullying cases.
Mariin ding itinanggi ni Ridon ang sinabi ni Pokwang na ipinost niya sa social media ang larawan ng buong pamilya ni Carlo Subong.
Giit ni Ridon, ang kapatid ni Pokwang na si Carlo ang dapat humingi ng paumanhin dahil sa ginawa nitong grave threats, physical injuries, at acts of child abuse laban sa biktimang si Crispin Villamor at anak nito.
Bunsod nito, tiniyak ni Ridon ang koordinasyon sa Department of Justice para masampahan ng mga kaukulang kaso si Subong.
Ayon kay Ridon, bilang miyembro ng House Committee on Transportation, hindi lang niya tungkulin kundi responsibilidad na papanagutin sa batas ang mga “barumbado” sa kalsada.
Mensahe ni Ridon sa magkapatid na Subong: Hindi sila ang biktima sa insidente ng nangyaring road rage kundi si Crispin at ang paslit nitong anak na mga ordinaryong Pilipinong inaabuso ng mga katulad ni Carlo Subong.









