Hinimok ni Rep. Florida Robes ng San Jose Del Monte, Bulacan ang gobyerno na bawasan ang red tape, pasimplehin ang mga paraan at magtatag ng isang processing center upang masolusyunan ang problema ng pabahay sa bansa.
Sinabi ito ni Robes sa “Building Better Homes, Living Sustainable Lives” open forum noong Marso 10 na ginanap sa San Jose Del Monte Convention Center, Bulacan na naglalayong gumawa ng mga solusyon sa kakulangan ng pabahay.
“Patuloy ang mga problemang kinakaharap ng ating gobyerno sa pagbibigay sa bawat Pilipino ng disenteng pabahay,” wika niya.
Wika ni Robes, na siyang vice chairperson ng House Committee on Housing and Urban Development, ayon sa datos mula sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), ang kakulangan sa pabahay sa bansa ay umabot na sa 7 milyong unit.
“Kung hindi ito masosolusyunan, ang bilang na ito ay maaaring tumaas sa 22 milyon na housing unit sa taong 2040 na lubhang nakakabahala,” aniya.
Dagdag niya, ang problema ng pabahay ay isang kumplikadong proseso at walang nag-iisang solusyon ang makakaresolba dito.
Mungkahi ni Robes, ang dapat gawin ng gobyerno ay paikliin ang mga pamamaraan at magtayo ng isang one-stop-shop center na tutugon sa anumang isyu pagdating sa pabahay.
“Naniniwala ako na ang pagbawas sa red tape, paggawa ng simpleng pamamaraan sa pagtatayo ng pabahay at housing loan application ay makakatulong upang mapabilis ang proseso sa pagmamay-ari ng bahay. Ang pagkakaroon ng isang one-stop-shop processing center ay isang hakbang sa tamang direksiyon,” dagdag ni Robes.
Aniya, ang kanyang distrito na San Jose Del Monte ay isang ehemplo ng resettlement area sa bansa.
“Malapit sa aking puso ng pabahay,” wika niya at sinabing ang Bgy. Sapang Palay ngayon ay isa sa pinakamalaking resettlement area sa buong bansa bukod sa Pabahay 2000 sa Bgy. Muzon at Towerville sa Bgy. Minuyan Proper.
Ayon sa kanya, ang San Jose Del Monte ngayon ay naging isang lugar ng mga residente na mula sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila. Ang San Jose Del Monte ay isa lamang sa maraming resettlement area sa paligid ng Metro Manila at iba pang lugar sa Pilipinas.
“Marami tayong resettlement area ngunit ang problema sa pabahay ay nandiyan pa rin. Ang isang problemang nalaman ko ay walang gustong tumira sa mga socialize housing unit dahil malayo ito sa lugar ng trabaho. Dapat maging katulong ng pamahalaang nasyonal ang pribadong sektor at mga pamahalaang lokal na magkaroon ng trabaho sa paligid ng mga housing project,” wika ni Robes.
Aniya, ang pamahalaang lungsod ng San Jose Del Monte ay ginagawa ang makakaya upang solusyunan ang mga problema sa resettlement area katulad ng pagbebenta ng mga awardee ng kanilang housing unit, hindi sementadong daan at livelihood program.
“Masalimuot man ang problema ng pabahay, ito ay magagawan natin ng solusyon. Bilang mga lider, responsibilidad natin na siguruhing ang ating mandato na magkaroon ng mura at disenteng pabahay sa mga mahihirap ay magagawa natin. Ang pagkakaroon ng sariling bahay ay isa sa importanteng karapatang pantao na kailangan maibigay sa lahat,” ayon kay Robes.