Rep. Sandro Marcos, handang humarap sa ICI at makipagtulungan sa imbestigasyon ukol sa flood control scandal

Nagpadala ng liham si House Majority Leader at Ilocos Norte Representative Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos sa Independent Commission on Infrastructure (ICI) Chairperson Andres Reyes Jr.

Sa naturang liham, ipinaabot ni Marcos ang kanyang kahandaan na humarap sa ICI at makipagtulungan sa imbestigasyon kaugnay ng maanumalyang flood control projects.

Ayon kay Marcos, handa siyang sagutin ang lahat ng katanungan o magbigay ng anumang kinakailangang paglilinaw upang makatulong sa pag-usad ng pagsisiyasat ng ICI. Binigyang-diin din niya ang pagrespeto sa mandato ng komisyon na mailantad ang katotohanan.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Marcos na wala siyang itinatago at bukas siyang sumailalim sa anumang imbestigasyon dahil naniniwala siyang walang sinuman ang dapat mangibabaw sa batas.

Matatandaang una nang naglabas ng video message si dating Congressman Zaldy Co, kung saan inilahad nito na may budget insertions umano si Marcos mula 2023 hanggang 2025 na nagkakahalaga ng halos P51 bilyon.

Facebook Comments