
Matitinding batikos ang pinakawalan ngayon ni Presidential Son at House Majority Leader Sandro Marcos laban kay dating Congressman Elizaldy Co na nagsiwalat na mayroon din umano syang budget insertions na halos ₱51 billion mula 2023 hanggang 2025.
Giit ni Rep. Marcos, si Co ay isang kriminal na umiiwas sa hustisya at maituturing na newly crowned champion ng DDS na nagkakalat ng kasinungalingan.
Hinikayat ni Marcos ang publiko na huwag magpabudol kay Co dahil wala itong kredibilidad at layunin ng mga inilalabas nitong video na i-destabilize o pabagsakin ang gobyerno.
Ayon kay Marcos, insulto sa talino ng taumbayan ang sinasabi ni Co na wala syang nakuhang kickback mula sa bilyones na pondong nakalaan sa flood control projects.
Malinaw din para kay Cong. Marcos na naghahasik ngayon ng tensyon sa politika si Co dahil sa hangad na matakasan ang legal nyang pananagutan kaakibat ang pag-asang ma-absweldo sya sa mga ginawang krimen.
Naniniwala din si Marcos na nakipagkasundo na si Co sa mga makikinabang sakaling mapalitan ang administrasyon.
Paalala pa ni Rep. Sandro, natanggal si Co bilang chairman ng Appropriations Committee dahil sa matinding kasakiman at korapsyon.









