Rep. Sandro Marcos, nangakong hindi papayagan na makalusot ang 2026 national budget na malayo sa isinumite ng ehekutibo

Gagawin ni Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos III ang kanyang makakaya bilang House Majority Leader para hindi makapasa ang 2026 national budget na “mutation” o malayo sa National Expenditures Program (NEP) na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM).

Ito ay bilang pagsang-ayon sa sinabi ng kanyang ama na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa State of the Nation Address (SONA) na hindi nito lalagdaan ang panukalang National Budget na hindi naka-linya sa NEP.

Magugunitang sa nagdaang SONA ay nagbabala si PBBM laban sa pondo na inilipat sa mga kwestyunableng flood control projects.

Ayon kay Congressman Marcos, parte ng checks and balances sa pagitan ng mga sangay ng gobyerno at prerogative din ng Kamara na maglipat ng pondo sa mga ahensya na maayos ang paggastos mula sa ilang ahensya na mahina ang “utilization rate” o hindi ginagamit ang kanilang pondo.

Pero giit ni Rep. Marcos, hindi dapat maulit ang nangyari sa 2025 budget kung saan somobra ang amyenda o pagbabago na ginawa sa NEP.

Facebook Comments