
Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na nakalagay na rin sa Immigration Lookout Bulletin Order si Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na idinadawit sa isyu ng maanomalya at palpak na flood control projects ng pamahalaan.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, awtomatiko nang sinusubaybayan ang galaw nito mula nang mabanggit ang kaniyang pangalan sa isyu.
Una na rin kasing binanggit ni Remulla noong Martes na isa si Co sa mga opisyal na inirekomenda ng National Bureau of Investigation na sampahan ng reklamo.
Muli ring nakaladkad ang pangalan ni Co sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ngayong araw matapos sabihin ng kaniyang dating empleyado na si Orly Guteza na nag-de-deliver siya mismo ng pera sa bahay ng kongresista.
Samantala, kinumpirma ng DOJ na nasa tinatawag na “provisional acceptance” ngayon ng Witness Protection Program sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo, Bulacan District Engineer Henry Alcantara, assistant engineers Brice Hernandez at Jaypee Mendoza.
Kasama rin ang mag-asawang contractor na sina Curlee at Sara Discaya.
Sabi ni Remulla, layon nitong protektahan sila gaya ng pagbibigay ng security at escort pero hindi para makatakas sa pananagutan.
Target ng DOJ na tapusin agad ang evaluation na may pag-iingat lalo’t mahirap kapag iginawad agad ang pagiging state witness.









