Cauayan City – Nagtulong-tulong ang mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pagre-repack ng mga relief goods upang madagdagan ang nakaimbak na mga relief packs sa Kapitolyo na nakatakdang ipamahagi sa mga naapektuhan ni Bagyong Julian.
Sa ngayon, sapat pa ang mga relief goods na nasa Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDI) Main warehouse na maaaring ibigay sa mga LGU sakali man na kailanganin ito ng mga residente.
Sa kasalukuyan ay mayroon pang 978 na family food packs (FFP) , 2,160 packs ng 5kg na bigas, 30 mega box ng FFP na galing sa National Grid Corporation of the Philippines, at 920 sako ng 25kilos na C18 rice.
Bukod pa rito, may mga nakahanda ring non-food ITEMS (NFI) katulad ng sipilyo, toothpaste, at bath soap, karagdagang 500 packs ng NFI na mula sa PAGCOR, at 100 piraso ng rubberized canvas.
Maliban pa rito ay nakahanda na rin ang hot meals on wheels ng Kapitolyo ng Cagayan upang mamahagi ng lutong pagkain sa mga apektado ng bagyo lalo na ang mga nasa evacuation center.