Repair at rehab ng mga nakatenggang irrigation system, dapat iprayoridad

Iginiit ni Agri Party-list Representative Wilbert Lee sa Department of Agriculture (DA) at National Irrigation Administration (NIA) na unahin ang pagsasaayos at rehabilitasyon ng irrigation systems sa ilang lugar sa bansa upang mapabuti ang ani at kita ng mga magsasaka.

Sinabi ni Lee na sa kaniyang pakikipag-usap sa iba’t ibang farmer’s organizations, ay nalaman niya ang reklamo tungkol sa mga irrigation system na simula ng magawa at mai-turnover ay hindi man lamang umano gumana.

Diin ni Lee, sa halip na benepisyo, ay perwisyo ang idinulot umano ng irrigation systems na ito, kabilang ang nasa bayan ng Oas sa Albay at Libmanan sa Camarines Sur.


Bunsod nito, iminungkahi ni Lee sa DA at NIA, na unahin na lamang ang pagsasaayos sa mga non-functional irrigation system sa halip na gumastos ng malaking pondo para sa pagpapagawa ng mga bagong sistemang patubig.

Paliwanag ni Lee, ang bawat sentimo sa budget ng pamahalaan sa mga irigasyon ay dapat tiyaking umaagos tungo sa paghahatid ng benepisyo sa mga magsasaka at kasaganahan sa sektor ng agrikultura.

Facebook Comments