Repatriation ng 150k OFWs, pinamamadali ni Senator Franklin Drilon

Iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na asikasuhin agad ang repatriation ng 150,000 na mga Overseas Filipino Worker (OFW) na apektado ng COVID-19 pandemic.

Apela ito ni Drilon makaraang ihayag ni OWWA Administrator Hans Cacdac na mauubos ang pondo ng ahensya kapag nagpatuloy hanggang sa susunod na taon ang pagpapauwi sa mga OFW.

Sinabi ito ni Cacdac sa pagdinig ng Senate Committee on Labor and Employment.


Ayon kay Cacdac, nasa P4.5 billion ang kakailanganin para sa pagpapauwi at pag-quarantine sa mga OFW at kapag lumalala pa ang sitwasyon ay bababa ng P1-billion ang OWWA fund sa pagtatapos ng 2021.

Pero giit ni Drilon, maaaring gamitin ng OWWA ang P18.8-bilyong pisong pondo nito para sa pagpapauwi ng mga OFW at pagbibigay sa kanila ng financial at livelihood assistance.

Diin ni Drilon, ang OWWA fund ay galing sa OFW membership contributions kaya dapat lang na kanilang pakinabangan ngayong krisis.

Facebook Comments