Manila, Philippines – Lumapag sa NAIA terminal 1 kaninang alas siete kwarenta ng umaga ang 39 Overseas Filipino Workers galing Kuwait.
Lulan ang mga ito ng PAL flight PR 669.
Sa abiso ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ito ang 1st batch ng mga OFWs na sumailalim sa repatriation program ng pamahalaan.
Sinalubong sila ni OWWA Deputy Administrator Arnel Ignacio, kung saan nangako itong aayusin ang mga dokumento ng mga kababayan natin at gayun narin ang pagbibigay ng ayuda sa mga nagsipag uwiang OFWs.
Sinabi pa ni Ignacio na pangunahing sanhi ng pag uwi ng mga OFWs ay problema sa kanilang mga employers kabilang na dito ang hindi pagtanggap ng kanilang buwanang sahod, naabuso o namaltrato o di kaya’y nagtapos na ang kanilang kontrata.
Inaasahan namang may mga susunod pang panibagong batch ng mga OFWs na uuwi mula sa nasabing bansa.
Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na nais nyang ipatupad ang total ban sa OFWs sa Kuwait dahil sa sandamakmak na kaso ng sexual abuses sa mga Pinoy OFW.