Repatriation sa mahigit 200 labi ng mga OFWs sa Saudi Arabia, muling itinakda ng DOLE ngayong Miyerkules

Sisikapin ng Department of Labor and Employment na maiuwi sa bansa ang labi ng 274 na Overseas Filipino Workers mula sa Saudi Arabia.

Ito ay matapos na hindi matuloy ang repatriation sa labi ng mga OFWs mula sa itinakdang araw noong sabado, July 4, 2020.

Sa interview ng RMN Manila, Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nadelay kasi ang pagpapalabas ng documentary requirements sa ilang mga labi kung saan 70 pa lang rito ang kompleto na.


Ayon kay Bello, nakahingi sila ng extension ng deadline sa Saudi Arabia ngayon linggo kaya sisikapin nilang maiuwi na bukas o sa araw ng Miyerkules.

Batay sa tala ng DOLE, mula sa 274 na mga labi ng OFWs, 129 rito ang namatay dahil sa COVID-19.

Sa pagdating sa bansa ng mga labi na nasawi dahil sa COVID-19, papayagan ipasilip sa pamilya sa malayo ang labi bago ito isalang sa cremation.

Facebook Comments