Inamin ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na bahagyang naapektuhan ang repatriation sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) dahil sa banta ng panibagong variant strain ng COVID-19 na nagmula sa South Africa at kumalat sa United Kingdom (UK).
Sa kabila nito, tiniyak ni OWWA administrator Hans Leo Cacdac na patuloy pa rin ang repatriation sa OFWs at sila ay inaalalayan sa NAIA One-Stop-Shop, na binubuo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Ayon pa kay Cacdac, as of today umaabot na sa 386,000 na Overseas Filipinos ang napapauwi nila sa kani-kanilang mga tahanan at probinsya.
Ang OFWs na mula naman sa mga bansang may bagong strain ng virus ay agad namang isasailalim sa swab test bago ilipat sa New Clark City sa Pampanga para sa kanilang quarantine.
Tiniyak naman ng Philippine Coast Guard (PCG) na naka-deploy sa NAIA, na iniingatan nila ang identity ng Pinoy repatriates na galing sa mga bansa na may bagong strain ng COVID-19 partikular na sa UK.