Repeat test, hindi na kailangan sa mga pasyenteng gumaling sa COVID-19

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi na kailangang sumailalim sa repeat test ang mga “suspected,” “probable,” o “confirmed” case ng COVID-19 para ikunsidera silang “recovered.”

Ito ay batay sa Department Order 2020-0258 o Updated Interim Guidelines on Expanded Testing for COVID-19 na pinirmahan ni DOH Secretary Francisco Duque III.

Ang testing guidelines ay sakop ang “Subgroup E” na binubuo ng mga frontline worker tulad ng quarantine facility staff, barangay emergency response teams, staff ng Bureau of Corrections at Bureau of Jail Management and Penology.


Kasama naman sa “Subgroup F” ang iba pang miyembro ng vulnerable population tulad ng persons deprived of liberty (PDLs), immunocompromised individuals, at mayroong kondisyon gaya ng diabetes, high blood pressure, sakit sa baga, cancer at iba pa.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang kailangan na lamang ay medical assessment mula sa doktor na wala nang ipinapakitang sintomas ang pasyente sa loob ng tatlong araw o higit pa at nakumpleto ang 14 na araw na isolation.

Paglilinaw ni Vergeire, na ang pagkakasama sa isang subgroup ay hindi nangangahulugang awtomatikong sasalang sa Polymerase Chain Reaction (PCR) based testing.

Sa huling datos ng DOH, aabot na sa 24,175 ang kaso ng COVID-19 sa bansa, 5,185 ang gumaling at 1,036 ang namatay.

Facebook Comments