Isinusulong ni Senator Sherwin Gatchalian ang pagpapatupad ng mga reporma para sa pagpapaangat ng “competitiveness” ng mga Pilipino.
Lumabas sa resulta ng pag-aaral ng 2023 Global Skills Report ng online learning platform na Coursera na pangalawa sa huli o pang 99 mula sa 100 bansa ang Pilipinas pagdating sa skills at proficiency ng mga mag-aaral sa business, technology, at data science mula sa 70th place noong 2022.
Sa nasabing pag-aaral, mula sa 62 percent noong nakaraang taon ay bumaba sa 16 percent ang business proficiency ng Pilipinas, 5 percent naman mula sa 29 percent noong 2022 ang ibinagsak sa technology proficiency habang 1 percent mula sa 21 percent ang ibinaba sa data science proficiency.
Ayon kay Gatchalian, Chairman ng Basic Education Committee, ang mga panukalang reporma ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) ay kinakailangang mapalakas ang proficiencies ng mga nabanggit na areas lalo na ngayong mas maraming kumpanya na ang nag-a-adopt ng mga makabagong teknolohiya para sa pagpapalakas ng productivity.
Dagdag pa ng senador, bukod sa higher education institutions, responsibilidad din ng senior high school program ang paghahanda sa mga estudyante sa pagtatrabaho.
Para makamit ito ay isinulong din ni Gatchalian ang Senate Bill 2022 na layong lumikha ng National at Local Batang Magaling Council upang paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng Department of Education (DepEd), Local Government Units, mga paaralan, at mga katuwang sa industriya.