Manila, Philippinesa – Pinasasagot ng Korte Suprema ang Ehekutibo at Kongreso sa dalawang petisyon na kumukwestiyon sa legalidad ng Tax Reform for Advancement and Inclusion o TRAIN Law.
Sa Supreme Court En Banc Session kanina, inatasan ng Kataas-taasang Hukuman ang respondents na magsumite ng komento sa loob ng sampung araw.
Nais din ng Korte Suprema na pagsamahin na lamang ang dalawang petisyon.
Unang naghain ng petisyon ang grupo nina ACT Representative Antonio Tinio, Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate, at Anakpawis Representative Ariel Casilao.
Ang ikalawa namang petisyon ay inihain ng grupong Laban Konsyumer Incorporated.
Hiniling ng petitioners sa Korte Suprema na magpalabas ng Temporary Restraining Order laban sa pagpapatupad ng TRAIN Law at ideklara itong Unconstitutional.
Ito ay dahil hindi anila ito ang naratipikahan ng Kamara at agad na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kabilang sa respondents sa petisyon sina Pangulong Duterte, House Speaker Pantaleon Alvarez, Senate President Aquilino Pimentel III, Deputy Speaker Raneo Abu, Majority Leader Rodolfo Fariñas , Deputy Majority Leader Arthur Defensor Jr, Finance Secretary Carlos Dominguez III at BIR Commissioner Caesar Dulay.