Manila, Philippines – Sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) na ang excise tax sa mga produktong petrolyo at buwis sa Sugar-Sweetened Beverage (SSB) na itinakda sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act ay hindi pa dapat nakakaapekto sa kasalukuyang presyo ng gasolina at sweetened beverages.
Sinabi ni DTI Secretary Ramon Lopez, ang kasalukuyang suplay ng petroleum products at sugar-sweetened beverages ay mula pa sa panahon, bago pa maipatupad ang tax reform package ng Duterte administration.
Wala pang epekto sa mga istasyon ng gas, kadalasan tumatagal ng dalawa hanggang tatlong linggo ang kanilang imbentaryo, at hindi ito kasama sa mapapatawan ng bagong buwis.
Umaasa ang kalihim na hindi magbabago ang retail price ng sugar-sweetened beverages hanggang Enero 15, dahil karaniwan, ang twice a month delivery o dalawang beses sa isang buwan na delivery ay nangangahulugan na dalawang linggo ng imbentaryo.
Ang mga manufacturer at retailers ay hindi dapat magtaas ng mga presyo kaugnay nito, mahigpit na babantayan ng kagawaran ang mga hoarder at profiteers, imomonitor ang pagbabago sa presyo at titiyakin din na ang mga presyo ay mas mababa sa mga Suggested Retail Prices o SRP.