Reporma sa military and uniform personnel pension system, tatalakayin agad sa pagbabalik sesyon

Isasalang na sa pagtalakay ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation ang panukala na layong i-reporma ang military and uniform personnel (MUP) pension system.

Ayon kay Senator Jinggoy Estrada, Chairman ng nasabing komite, hihimayin na nila ang panukala sa pagbabalik sesyon ng Kongreso sa Mayo.

Layunin ng Senate Bill 284 na makapagbigay ng unified system para sa separation, retirement at pension ng mga military at uniformed personnel.


Sinabi ni Estrada na humaharap ngayon ang gobyerno sa paglobo ng pension requirements pero wala namang matatag na pagkukunan ng pondo matapos na mapuna rin ng senador na ang MUP pensions ay mas mataas kumpara sa budgetary requirement para sa base pay ng mga aktibong sundalo at pulis.

Ito aniya ang dahilan kaya sa ilalim ng panukala ay bubuo ng mekanismo ang gobyerno para mabalanse at mapanatili ang financial flexibility habang ginagarantiyahan ang lahat ng uniformed personnel na maibibigay ng estado ang mga nararapat na benepisyo at kabayaran kasabay ng pagtiyak at pagpapanatili ng maaasahang pension system para sa mga retirado.

Kumpiyansa naman si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na mabilis na makakalusot sa 19th Congress ang nasabing panukala para sa bagong MUP pension system.

Facebook Comments