Pag-aralan muna at huwag madaliin.
Ito ang apela ng mga senador sa panukala ng Department of Finance (DOF) na ireporma ang Military and Uniformed Personnel (MUP) pension system kung saan ang mga nasa aktibong serbisyo ay pinagko-contribute ng 5 percent mula sa kanilang buwanang sahod para sa retirement pay habang 9 percent naman ang contribution sa basic salary ng mga bagong papasok sa serbisyo.
Para makumpleto ang monthly premium na 21 percent, isu-supplement o pupunan naman ito ng pamahalaan ng 16 percent para sa mga nasa active service habang 12 percent naman sa new entrants.
Pero, giit ni Senator Chiz Escudero, dapat munang makita ang plano ng DOF kasama na rito ang usapin sa magiging share ng mga officers na may iba-ibang ranggo.
Ilan pa sa nais malaman ng senador ay magkano ang magiging katumbas na halaga ng 12 percent share ng gobyerno sa mga bagong MUP at kung saan manggagaling ang pondo para rito.
Dagdag pa rito ni Escudero ay kung ang reporma ay i-a-apply para sa lahat o depende sa kung kelan magreretiro ang MUP o ilang taon pa aabutin bago sila magretiro.
Para naman kay National Defense and Security Committee Chairman Jinggoy Estrada, kailangan munang pag-usapang mabuti ang usapin at hindi dapat minamadali.
Sinabi pa ni Estrada na importanteng makahanap ngayon ng sistema na magiging katanggap-tanggap para sa lahat.