Reporma sa provincial rate, isusulong ng Trabaho Partylist

Isusulong ng Trabaho Partylist ang pagsaayos ng provincial rate ng sahod ng mga manggagawa sa iba’t ibang rehiyon para iakma ito sa pang-araw-araw na pangangailangan sa makabagong panahon.

Ayon kay Atty. Mitchell-David Espiritu, tagapagsalita ng grupo, dapat nang palitan ang “minimum wage” at ipagkaloob ang tinatawag nilang “living wage” kung saan sapat ang pinapasahod ng mga kumpanya para sa minimum basic needs ng bawat pamilya.

Paliwanag ng Trabaho Partylist, tututukan nito ang mga isasagawang pag-aaral at panukala upang maging equitable o makatarungan ang sistema kahit magkakaiba ang sahod sa bawat rehiyon.


Aniya, hindi dapat magbanggaan ang grupo ng mga manggagawa at grupo ng mga negosyante sa naturang isyu, subalit dapat silang magkaisa upang maitaas ang antas ng pamumuhay ng lahat.

Kinikilala ng Trabaho Partylist ang kahalagahan ng balanseng usapin sa pasahod, kung saan isinasaalang-alang ang kapakanan hindi lamang ng mga manggagawa kundi pati na rin ng mga employers.

Hindi naman aniya sa paraang panggigipit ng mga employer ang gagawin upang makamit ang “living wage,” sa halip ay pagpapalakas ng iba’t ibang sektor ng ekonomiya para sama-sama ang pag-unlad ng mga negosyante at manggagawa.

Para makamit ito, iginiit ng Trabaho Partylist na mahalagang tutukan ngayon ay ang tamang pag-set ng minimum wage sa bawat rehiyon upang matiyak na ito ay angkop at patas para sa manggagawa at para sa negosyante.

Facebook Comments