Reporma sa sistema ng eleksyon sa bansa, isusulong ng minorya sa 18th Congress

Nanawagan si Senior Deputy Minority Leader Lito Atienza sa Commission on Election na magsagawa ng reporma sa sistema ng halalan sa bansa.

 

Ito ay kasunod na rin ng kwestyunableng resulta ng halalan at mga problemang kinaharap nitong nagdaang eleksyon mula sa pagpalya ng transparency server, palpak na vote counting machines, SD cards, hanggang sa pagboto ng mga botante.

 

Inirekomenda ni Atienza na ibalik ang buong transparent system sa halalan kung saan manual ang botohan at bilangan sa halalan na masasaksihan ng mga tao pero electronic ang transmission sa Commission on Election.


 

Ito ay upang matiyak na magkaroon man ng aberya tulad ng biglang brownout at pagloloko ng signal ay mas maiiwasan ang dayaan.

 

Hiniling din ng mambabatas na kumuha na ng ibang electronic voting system partner na local at huwag na ang Smartmatic.

 

Giit ng Minority Group sa Kamara, naglaan ang Comelec ng P10 Billion para matiyak ang maayos na halalan pero bigo pa rin ang komisyon na magawa ang kanilang mandato.

Facebook Comments