Matitiyak na ang pagbalangkas at pagpapatupad ng mga kinakailangang reporma upang tugunan ang krisis na bumabalot sa sektor ng edukasyon.
Sinabi ito ni Senador Win Gatchalian matapos nilang ratipikahan ang bicameral conference committee report sa paglikha ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM II.
Mandato ng EDCOM II ang pagsasagawa ng komprehensibong pagrepaso at pagsuri sa buong sektor ng edukasyon upang magpanukala ng mga reporma na layuning isulong ang pagiging globally competitive ng bansa sa education at labor markets.
Kasamang pag-aaralan ng EDCOM II ang pagtupad sa mga mandato ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Magrerekomenda ang komisyon ng mga tiyak at napapanahong mga solusyon upang maiangat ng nabanggit na mga ahensya ang kanilang kakayahang maghatid ng dekalidad at abot-kayang edukasyong naaayon sa mga pandaigdigang pamantayan.
Bibigyan ang Komisyon ng tatlong taon upang tuparin ang mandato nito at ang Philippine Institute for Development Studies naman ang magsisilbing RESEARCH arm nito.